Iiwan mo rin ako kapag nagsawa kana. Iiwan mo rin ako kapag pagod ka na. Pansamantala lang naman kasi lahat.
Bagay,
Paniniwala,
Buhay,
Tao,
Pagmamahal,
Kasama na kung ano meron sa "ako at ikaw".
Darating din yong araw na magsasawa ka sa mga 'iloveyou' ko kada oras. Maiinis ka na sa kaartehan at mga kadramahan ko. Magagalit ka dahil sa mga pangungulit at paglalambing ko. Magrereklamo kana dahil iyong iyo halos lahat ng oras ko at nasasakal kana. Maiirita ka na dahil ginigising kita kapag tulog ka kasi nami-miss kita. Ayaw mo nang hawakan ang kamay ko dahil naiilang ka. Hindi na ako maganda sa paningin mo at mas masarap ang tulog mo kapag nakatalikod ka sa'kin. Hindi ka na natutuwa sa mga ginagawa ko para sa'yo. Kahit sa simpleng pag text sa'yo kung kamusta ka, nasisira na agad ang araw mo. Mag-aaway na lang tayo kahit walang dahilan. Maiinis ka na lang kahit hindi ako nagsasalita. Hindi mo man sabihin pero alam ko naman kung bakit. Wala ka nang gana sa atin, sa tayo, sa akin. Nasasaktan ka sa tuwing nakikita mo ako pero hindi ka makapagbigay ng dahilan para makipaghiwalay. Hanggang sa makahanap ka na ng iba tapos saka mo ako iiwan.
Iiwan mo rin ako kahit pa sa kabila ng lahat ng mga ginawa ko kasi ganon naman talaga.
Walang permanente.
Lahat umaalis.
Lahat napapagod.
Lahat sumusuko.
Kahit pa ibigay ko ang mundo ko, kulang pa rin. Manlalamig ka pa rin. Hindi ko lang alam kung kailan. Pero sana matagal pa. Sana may panahon pa ako para mahalin ka nang sapat at higit pa.
Hangga't kaya ko at hindi ka pa nagsasawa, ibibigay ko lahat ng meron ako. Hindi ako susunod sa payo nila na dapat magtira ako sa sarili ko. Kung ano ang akin ay 'yon din ang sa'yo. Aalagaan kita araw-araw may sakit man o wala. Masaktan man ako, maghihilom din naman ang mga sugat kinabukasan. Kung masaya ka sa ngayon, hihigitan ko pa para mas lalo ka maging masaya at hindi agad tayo umabot sa dulo. At sana nga walang dulo.
At kung sakali na iiwan mo na ako, magpaalam ka. Yon lang naman.
Tatanggapin ko kahit sobrang sakit. Lahat naman ganon. Lahat naman nang iiwan. Sabihin mo na lang sakin kung ayaw mo na para kahit papano subukan kong pigilan ang sarili ko na mahalin ka pa. At para hindi ko makita lahat ng mga ginagawa ko ay nagagawa mo na ngayon sa iba.
-desiderata
Heyyyanie ♡
No comments:
Post a Comment